Tuesday, July 07, 2015

Binagyong Paglalakbay sa MT. LUBOG ng Rodriguez, Rizal

Alas-dos ng madaling araw noon. Malamig ang simoy ng hangin. Nagising ako ng mas maaga sa nai-set kong alarm. Tumingin ako sa cellphone ko, "Kuya, tuloy po ba ang akyat natin, malakas po ang ulan dito?," tanong ng isang kaibigan. Oo nga pala, may bagyo sa dakong hilaga ng Luzon. Pero sa aking tantya, malayo naman 'yon sa Rodriguez, Rizal. Lumabas ako ng bahay upang tingnan ang langit. Maliwanag. Mukhang hindi uulan. "Oo, tuloy tayo," ang aking isinagot.

Naghanda na ako at dalawa pang kasama para sa aming lakad.  Alas-kuwatro ng umaga, nakarating na kami sa tagpuan sa Farmer's Cubao. Bandang alas-singko, nakaalis na kami patungong Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal. Doon ay nakatakda kaming sunduin ng habal-habal.

Bandang alas-sais ng umaga ay nakarating na kami sa Rodriguez, Rizal. Hinintay namin ang habal-habal at matapos ang tatlumpong minuto ay nakaalis na kami patungo sa Sitio Lubog, Brgy. Puray. Maayos pa ang panahon ng mga oras na 'yon, makulimlim pero hindi umuulan.

At nagsimula na ang aming paglalakbay. Paglalakbay na hindi ko inaasahang magiging mahirap dahil sa baku-bako at maputik na daan. Dagdag pa dito ang mga bangin na sa isang pagkakamali lang ng driver ay tiyak hindi lang pilay lang ang aabutin namin. Sa mga pagkakataong hindi kaya ng habal-habal ang daan, bumababa kami upang maglakad at tumulong sa pagtutulak ng sasakyan paminsan-minsan.

Ang aming pangkat

Push mo yan!

Pagdating sa tahanan ni Kagawad Peter, nagparehistro ang aming pangkat. At sinimulan na namin ang pag-akyat. Umuulan na ng mga panahong iyon. Gayunpaman, tanaw pa din namin ang mga kalapit-bundok, ang luntian nitong mga puno at halaman. Sa kabila ng putik na abot-tuhod ang lalim, masaya naming tinahak ang daan patungo sa inaasam na mabatong tuktok ng Mt. Lubog.

Mini-falls along the trail

View along the trail

Ang maputik na daan

Sinalubong kami ng makapal na ulap, mas malakas pang ulan, at malamig na hangin. Naisip naming hindi na tumuloy upang pangalagaan ang aming buhay. Gayunpaman, nagpatuloy kami sa paglalakbay ngunit sa pagkakataong ito, ang pasya ay nakasalalay sa kalagayan ng daan. Kapag nakita namin na lubhang mahirap na ang daraanan, hindi na kami tutuloy. Sa huli ay nagpasya kaming tumuloy sapagkat hindi naman ganoon kalala ang sitwasyon.

Here comes the fog

Nagkaroon din kami ng pagkakatoon na mamasdan ang loob ng Lubog Cave.

Lubog Cave

Matapos ang tatlong oras na paglalakad, narating namin ang tuktok. Sa kabila ng kapal ng ulap at hindi pagkakaroon ng pagkakataong makita ang magandang tanawin sa paligid, naging masaya kami na nasaksihan namin ang pambihirang pagkakaayos ng mga bato. Marahil ay dito lang sa Mt. Lubog ito makikita kaya buong tapang kaming humanap ng lugar upang makakuha ng maayos na larawan.

Sa tuktok ng Mt. Lubog

Pahabol:
Hindi ipinapayong tumuloy sa pag-akyat ng bundok tuwing may banta ng masamang panahon. Bagamat tumuloy kami, ito ay may kaakibat na ibayong pag-iingat.

2 comments:

Marvin Galvez said...

Nice blog sir. Tanong ko lang po kung sino po ang contact nyo for the service tric pag andun na kayo sa Brgy.San Rafael ? Kailangan po ba magpareserve for tric ? Or kahit di na magpareserve dahil may mga nagaabang ng tric dun ? Thank you for sir and God Bless.

Joel P. Rivadeneira said...

Hi Sir Marvin,
Nawala na yung contact number ko. Nakita ko lang din yun sa ibang blog. But anyway, yes kailangan magpareserve ng tricycle kasi specialized (heavy-duty hehe) tricycle yun. Manggagaling pa kasi sila sa bundok. Try ko hanapin yung blog tapos post ko dito yung link.