Tuesday, July 07, 2015

Binagyong Paglalakbay sa MT. LUBOG ng Rodriguez, Rizal

Alas-dos ng madaling araw noon. Malamig ang simoy ng hangin. Nagising ako ng mas maaga sa nai-set kong alarm. Tumingin ako sa cellphone ko, "Kuya, tuloy po ba ang akyat natin, malakas po ang ulan dito?," tanong ng isang kaibigan. Oo nga pala, may bagyo sa dakong hilaga ng Luzon. Pero sa aking tantya, malayo naman 'yon sa Rodriguez, Rizal. Lumabas ako ng bahay upang tingnan ang langit. Maliwanag. Mukhang hindi uulan. "Oo, tuloy tayo," ang aking isinagot.

Naghanda na ako at dalawa pang kasama para sa aming lakad.  Alas-kuwatro ng umaga, nakarating na kami sa tagpuan sa Farmer's Cubao. Bandang alas-singko, nakaalis na kami patungong Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal. Doon ay nakatakda kaming sunduin ng habal-habal.

Bandang alas-sais ng umaga ay nakarating na kami sa Rodriguez, Rizal. Hinintay namin ang habal-habal at matapos ang tatlumpong minuto ay nakaalis na kami patungo sa Sitio Lubog, Brgy. Puray. Maayos pa ang panahon ng mga oras na 'yon, makulimlim pero hindi umuulan.

At nagsimula na ang aming paglalakbay. Paglalakbay na hindi ko inaasahang magiging mahirap dahil sa baku-bako at maputik na daan. Dagdag pa dito ang mga bangin na sa isang pagkakamali lang ng driver ay tiyak hindi lang pilay lang ang aabutin namin. Sa mga pagkakataong hindi kaya ng habal-habal ang daan, bumababa kami upang maglakad at tumulong sa pagtutulak ng sasakyan paminsan-minsan.

Ang aming pangkat

Push mo yan!