Ang Bundok Malipunyo ang pinakamataas na bundok sa lalawigan ng Batangas. Ito ay matatagpuan sa Bayan ng Santo Tomas.
Taong 2013 nang una naming sinubok akyatin ang pinakamataas na tuktok (Peak 3) ng nasabing bundok. Sa kasamaang-palad, pinigil kami ng napakalakas na hangin at ulan na nagdulot ng madulas na daraanan. Bukod dito, nagkaroon kami ng kalituhan sa tamang direksyon dulot ng kawalan ng gabay. Gayunpaman, nakarating kami sa unang tuktok (Peak 1).
Taong 2014 nang muli naming sinubok akyatin ang Bundok Malipunyo. Sa pagkakataong ito, mas marami na kaming kasama. Sa unang bahagi ng paglalakbay, isang mahabang kalsada ang aming nilakad hanggang makarating kami sa paanan ng bundok.
|
Daan tungo sa paanan ng bundok. |
Sa pangalawang bahagi naman, unti-unti nang humihirap ang daan paakyat ng bundok. May mga pagkakataon na madalas ang aming pahinga dulot ng matatarik na daan. Dagdag pa dito ang ilang halaman na kailangang iwasan sapagkat maaring makasakit.
|
Ang matarik na daan. |
|
Hindi halata ang pagod ng mga taong ito. |
Sa kabila nito, makikita ang taglay na ganda ng kabundukan, ang masagana at iba-t-ibang uri ng mga insekto at halaman.
Sa kalagitnaan ng paglalakbay, may dalawang talon kaming naraanan. Noong panahong iyon ay malakas ang bagsak ng malamig na tubig, tila ba inaanyayahan kaming maligo upang maibsan ang nararamdamang pagod. Kumuha kami ng ilang larawan at nagpatuloy sa pagakyat.
|
Unang talon. |
|
Ikalawang talon. |
Narating namin ang ang unang tuktok at doon ay masayang pinagsaluhan ang tanghalian. Matapos ito ay nagpatuloy na kami sa pag-akyat tungo sa ikalawang tuktok (Peak 2). Inabot ng halos kalahating oras na paglalakbay bago namin narating ang nasabing lugar. Dito ay matatanaw na ang kalakihang bahagi ng Lungsod ng Lipa at mga karatig-bayan.
|
Tanawin mula sa 'Peak 1'. |
Isang oras pa na pag-akyat at narating na namin ang ikatlong tuktok (Peak 3), ang pinakamataas na bahagi ng bundok.
|
Ang aming pangkat sa tuktok ng bundok. |
Naging mailap ang maaliwalas na panahon sa pagkakataong ito, at kasabay ng malakas na ulan ay pinagsaluhan namin ang pananghalian. Gayunpaman, naging mabait si Haring Araw sa aming pagbaba ng bundok.
Tunay ngang napakahusay ng pagkakagawa ng Diyos sa mundo. Napasarap sa pakiramdam na nagkaroon kami ng pagkakataon na makita ang bahaging ito ng kanyang mga likha.
1 comment:
chona goloran here. was checking blogs about mt malipunyo since i'd been invited by a friend for a climb sometime in june. maraming salamat sa blog na ito. nakakatuwa kasi isinulat mo sa tagalog. gusto ko din makita ang grandeur ng creation ni God thru this mountain. I guess i'm going. :). God bless!
Post a Comment