Ito ang unang pagkakataon na maglalakbay ako sa isang lugar na ang layunin ay maglibang lamang, kalimutan pansamantala ang trabaho at mga aralin sa unibersidad. Nais kong ibahagi ang mga karanasan ko, sa nasabing paglalakbay.
Noong Pebrero ay nakakita ako ng "promo fare" sa Cebu Pacific patungong Cebu. Noong una ay balak kong maglakbay mag-isa ngunit naisip kong magandang pagkakaton ito upang makasama ko ang aking mga kapatid. Ito na rin ang regalo ko para sa kanilang kaarawan (ang totoo ay pamasahe lamang nila ang sagot ko haha).
Ika-24 ng Setyembre. Bandang ika-lima ng umaga ang alis ng eroplano sa NAIA 3 kung kaya't ikatlo ng umaga ay umalis na kami sa tirahan ng mga kapatid ko sa Quezon City. Upang matiyak ang kaligtasan, sumakay na lamang kami ng taxi.
Nakarating kami ng Cebu Airport bandang ikaanim ng umaga. Upang makatipid, minabuti naming sumakay sa "white-colored taxi" sapagkat mas mahal ang singil kung sa "yellow-colored taxi". Walang tatanggap na hotel ng ganoon kaaga kaya't sinimulan na namin ang paglalakbay. Ihinatid kami ng taxi sa Cebu Metropolitan Cathedral, ayon sa metro ng taxi, P180.00 ang babayaran. Iniabot ko ang P200.00 at dali-daling naglabas ng P20.00 ang driver bilang sukli. Nakakatuwang isipin na mabait si Manong Driver sapagkat bibihira lamang ang driver na magbibigay ng sukli (kung sa Manila, sasabihin ng nila na wala silang panukli) subalit hindi ko na din ito tinanggap.
Cebu Metropolitan Cathedral |