Ito ang unang pagkakataon na maglalakbay ako sa isang lugar na ang layunin ay maglibang lamang, kalimutan pansamantala ang trabaho at mga aralin sa unibersidad. Nais kong ibahagi ang mga karanasan ko, sa nasabing paglalakbay.
Noong Pebrero ay nakakita ako ng "promo fare" sa Cebu Pacific patungong Cebu. Noong una ay balak kong maglakbay mag-isa ngunit naisip kong magandang pagkakaton ito upang makasama ko ang aking mga kapatid. Ito na rin ang regalo ko para sa kanilang kaarawan (ang totoo ay pamasahe lamang nila ang sagot ko haha).
Ika-24 ng Setyembre. Bandang ika-lima ng umaga ang alis ng eroplano sa NAIA 3 kung kaya't ikatlo ng umaga ay umalis na kami sa tirahan ng mga kapatid ko sa Quezon City. Upang matiyak ang kaligtasan, sumakay na lamang kami ng taxi.
Nakarating kami ng Cebu Airport bandang ikaanim ng umaga. Upang makatipid, minabuti naming sumakay sa "white-colored taxi" sapagkat mas mahal ang singil kung sa "yellow-colored taxi". Walang tatanggap na hotel ng ganoon kaaga kaya't sinimulan na namin ang paglalakbay. Ihinatid kami ng taxi sa Cebu Metropolitan Cathedral, ayon sa metro ng taxi, P180.00 ang babayaran. Iniabot ko ang P200.00 at dali-daling naglabas ng P20.00 ang driver bilang sukli. Nakakatuwang isipin na mabait si Manong Driver sapagkat bibihira lamang ang driver na magbibigay ng sukli (kung sa Manila, sasabihin ng nila na wala silang panukli) subalit hindi ko na din ito tinanggap.
Cebu Metropolitan Cathedral |
Pagpasok namin sa simbahan, kasalukuyang ginaganap ang Misa. Nakinig na din kami bagamat hindi namin alam kung paano tutugon (Cebuano/Bisaya ang version ng Misa). Matapos ang Misa, humanap kami ng makakainan sa paligid at may nakita kami ng mura subalit masarap na pagkain.
"Lukot" at "Pagi" |
Matapos lamnan ang tiyan, naglakad kami patungo sa Basilica Del Santo Nino, isang lumang simbahan. Sa bandang gilid ng simbahan, malapit sa munisipyo ay naroon ang makasaysayang Magellan's Cross.
Naglakad kami patungong Fort San Pedro subalit wala pang ika-walo ng umaga kung kaya't tumambay muna kami sa kalapit na Plaza Independencia. Marami pang iba ang namamasyal sa liwasang ito, may nag-eehersisyo, nagde-date na magkasintahan, atbp. Ano pa nga ba ang maaari naming gawin kundi kumuha ng mga larawan.
Ika-walo ng umaga, kami ang kauna-unahang panauhin sa Fort San Pedro. Muli naming binalikan ang kasaysayan, ang unang pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ang nasabing lugar din ay nagsilbing piitan noong panahon ng Kastila.
Ang susunod na destinasyon namin ay ang Museo Sugbo. Upang makatipid, nagtanung-tanong kami kung paano makakarating sa nasabing lugar sa pamamagitan ng jeep sa halip na taxi. Sumakay kami sa jeep na may signboard na 03L, minimum fare ang bayad. Matiwasay kaming nakarating sa Museo Sugbo, ang pinakamalaking museo sa lungsod. Dito'y makikita ang mayamang kultura ng Cebu at ng Pilipinas.
Malapit na ang tanghalian kung kaya minarapat na naming magtungo sa Crown Regency Hotel. Mula sa mga pagtatanong sa mga Cebuano, napag-alaman namin na dalawang beses kaming sasakay ng jeep patungo sa susunod na lugar: una ay sa mayroong signboard na 10H at bababa sa Sto. Nino, pagkatapos ay lilipat sa may signboard na "Jones Capitol". Doon na kami nananghalian, sulit na sulit ang "eat-all-you-can" kasama pa ang Sky Walk Adventure, 4D showing, at swimming.
Malapit ng dumilim sa paligid kung kaya nagpunta na kami sa Sampaguita Suites, ang hotel na aming tutuluyan. Malapit lamang ito sa Crown Regency kaya't nilakad lang namin. Nagmeryenda kami saglit sa nadaanang Jollibee (pinakamura: P39.00) at pagkatapos ay nagpahinga na sa hotel. Makalipas ang ilang oras, dumating ang aking kaibigan na si Bonbon (college friend and orgmate) at sabay-sabay naming tinikman ang masarap na lechon ng Cebu.
Nakakapagod ang unang araw subalit masasabi kong masaya kaming magkakapatid.
P.S. Ang susunod na blog ay ang Part 2 (Day 2).
3 comments:
interesting photos of a trip or excursion. looks like a fun trip.
sarap basahin Joel! sayang dito n aq sa Mindanao. Home ko ang Cebu for 3 years:)
Regarding the taxi experience, ganyan talaga sa Cebu. Kahit Php10.00 susuklian ka pa rin. Na-miss ko tuloy ang Cebu.
Post a Comment